Kasi ako 'yung taong pinapababa sa trike kasi dalawa yung pasahero sa likod ko kaya kailangan kong mag-adjust at lumipat sa susunod na bibiyaheng trike.
Kasi ako 'yung taong sinisingitan lang sa pila tuwing nasa entrance ako ng mall o kahit anong pila pa 'yan.
Kasi ako 'yung taong hindi pinapansin pag umo-order ng pagkain sa karinderya.
Kasi ako 'yung taong hindi inaabutan ng flyer ng mga promos o house and lot sa mall at overpass.
Kasi ako 'yung taong hindi nakakababa sa dapat kong babaan kahit na maaga pa lang, pumapara na ako sa driver. Sabi naman nila, para na naman daw pang-megaphone yung boses ko.
Kasi ako 'yung taong hindi nila gugustuhing makatabi sa bus, na baka kahit yung sa tabi ko na lang 'yung bakante, mas pipiliin pa nilang mag-standing ovation sa buong biyahe.
Kasi ako 'yung nakakahiyang babaeng feeling artistang nagbi-breakdown nang walang sabi-sabi sa jeep, sa PNR o sa trike.
Kasi ako 'yung taong naaalala na lang pag nakauwi na siya sa kanila kahit na may usapang may lakad kami.
Kasi ako 'yung babaeng hindi maiisip na magugustuhan kasi ang ang taba ko para sa standards niya.
Kasi ako 'yung babaeng lalapitan at kakausapin lang kasi nangako yung ka-carpool niya ng libreng sandwich sa recess.
Kasi ako 'yung mababaw na taong nadadala na kapag nakikita ko yung likod niya o kaya kapag nakakatulog siya. O kaya naman natutuwa nung napansin kong spicy chicken yung lagi niyang kinakain sa Jollibee at laging merong apple pie ang order niya sa McDo.
Kasi ako 'yung babaeng nakakapukaw lang ng atensyon niya kasi mailap ako sa mga tulad niya.
Kasi ako 'yung babaeng naniwala sa mga "sana mas maaga kitang nakilala," atsaka sa "Nakikita ko yung future kong kasama ka," pati na rin sa "ibibigay ko sa'yo 'tong singsing na galing pa sa lolo ko."
Kasi ako 'yung babaeng hindi kayang sumabay sa mga laro nila.
Kasi ako 'yung babaeng ini-etsapwera na lang pag nailapat na niya yung labi niya sa akin, at kapag naramdaman niyang tinutugon ko na yung bawat galaw niya.
Kasi ako 'yung babaeng pinapapunta ng magulang niya sa sulok para kausapin, kasi hindi raw makakatulong sa 'growth' naming dalawa kung may mamamagitan sa amin.
Kasi ako 'yung babaeng nilalandi nung nag-separation trial lang pala sila ng sabi niyang ex-girlfriend niya
Kasi ako 'yung babaeng lalapitan niya kasi nakikita niya minsan sa akin yung dating naging uniberso niya.
Kasi hindi ako pwedeng tumanggi.
Kasi hindi ako pwedeng mapagod, sino ba naman ako kundi isang hamak na bente anyos lang na nilalang?
Kasi malusog ako, malakas, may buhay na mga magulang.
Kasi swerte ako at may trabaho pa ako.
Kasi bata pa ako at malaki at malawak daw ang mundo.
Kasi mas malalim ang pinaghuhugutan niya kaya kailangan ko laging habaan yung pisi ko at saka, "Hoy, wala pa sa kalingkingan ng kuko ko 'yang kinukuda-kuda mo kaya magtigil ka!"
Kasi wala raw siya sa tamang pag-iisip pa-minsan-minsan kaya kailangan kong intindihin na lang kung bigla niyang maisipang ibitin ako ng patiwarik o kaya hampasin ng kung ano'ng mahawakan niya sa gitna ng kalsada, at kung magkapasa-pasa man o paso o kung 'di ako makahinga pag nasiko niya ako, kailangan kong maniwalang nakakagaling yung pang-isang libo niyang "sorry, di na mauulit."
Kasi kailangan kong ibigay at ibalik yung mga bagay na hindi ko naman naranasan sa kanya, bilang utang na loob.
Kasi kailangan kong intindihin na oo, mahal ka nun, pero wait, wait, wait! Kailangan ko munang dumaan ng isang milyong obstacle course para makita 'yon! ♡